Tawagin niyo na lang po akong Jennifer. Tulad po ng ibang kabataan, nagkamali din po ako sa aking mga desisyon sa buhay.
Bale laki po ako sa lolo at lola. Baby pa lang po ako noong iniwan ako ng tatay ko at ang nanay ko ay nag-asawa ng iba. Medyo mahigpit po ang lolo at lola ko sa akin at ang mga tiyuhin at tiyahin ko ay ramdam kong tila hindi nila ako gusto. Namatay po ang nanay ko noong 11 anyos ako at doon nag-iba po ang ugali ko. Hindi naman po ako likas na rebelde talaga, pero lagi po akong napapaaway sa eskuwelahan namin noon. Pagkatapos po, isang araw, biglang dumating ang aking ama. Akala ko po makakatakas na ako sa lahat nang problema. Kaya lumayas po ako sa lolo at lola ko at sumama sa tatay ko. Nakalimang buwan din po ako sa kanya, kaso hindi naging maganda ang pakikitungo sa akin ng madrasta ko kaya bumalik po ako ulit sa lolo at lola ko. Pero dahil sa aking ginawang pag-alis, hindi na po ako binigyan ng pagkakataon na makapag-aral muli. Inalagaan ko na lang po sina lolo at lola.
Labindalawang taon (12 years) na po akong huminto sa pag-aaral. Noong nakaraang taon, 2015, sa di inaasahang pagkakataon, pinapunta ako ng kapatid ko sa iskul niya para kumuha ng grades. Ayoko po sanang pumunta noon dahil ayoko na pong magpakita sa mga dati kong guro dahil po sa hiya ko na din. Ngunit di ko alam kung bakit ako naglakas loob na pumunta. Kahit nagtatago na po ako noon, nakita po ako ng dati kong guro sa 1st year. Doon hinikayat niya po akong mag-aral ulit. Kinombinsi niya po akong pumasok sa ALS at doon po nagsimulang mabago ang lahat sa buhay ko.
Noong nag-aaral na po ako sa ALS, pinagbutihan ko po talaga. Sabi nila mahiyain daw ako pero masipag po akong magbasa ng mga modyul at binasa ko ang mga itong mabuti. Sabi po ng mga guro ko sa ALS, mgaling daw akong sumulat ng essay. Hindi ko alam kung bakit pero sa bawat sinusulat ko, ramdam kong nandoon ang puso ko at iniuugnay ko ang aking mga sulatin sa buhay at mga karanasan ko, kaya kapag binabasa, parang nagkukuwento lang ako. Yun nga po, dumating na ang araw ng pagsusulit. Sobrang kinabahan ako n noon pero sa awa ng Diyos ay nakapasa din ako s A&E Test. Nag-enrol ako agad sa Cavite State University sa Indang, dito sa Cavite at kumuha ng kursong BS Nursing. Hindi po madaling makipagsabayan sa aking mga kaklase lalo na't sila ay nakapagtapos ng high school at mahirap ang mga leksiyon. Pero masaya po ako dahil wala akong bagsak sa kahit anong subject ko.
Isa pong dahilan kung bakit ako nagsumikap upang makapasa sa ALS at makapagpatuloy sa aking pag-aaral ay dahil sa aking karanasan noong akoy huminto sa pag-aaral. Doon ko po naranasan na kapag walang natapos ang isang tao, iba ang tingin nila sa iyo. Ramdam kong iba ang pakikitungo ng ibang tao sa akin. Gusto kong mabago ang kalagayang ito kaya nagsumikap akong mag-aral Nakatulong sa akin ang sinabi ng teacher ko noon. Ang sabi niya, dapat laging may apoy sa puso sa pag-aaral. Napakahalaga po pala talaga ang makatapos ng pag-aaral. Kaya po pinilit ko talagang makapasa para makabawi sa lahat nang pagkukulang ko at pagwawalang halaga noon sa edukasyon.
Sa ngayon, mag-e-enroll na po ako ulit para sa ikalawang semestre para sa unang taon ng aking kursong BS Nursing. Masayang-masaya po ako dahil unti-unti ko nang naaabot ang aking mga pangarap.
-Jennifer Dimapilis-
ALS-A&E Test Passer 2015