Malaking bahagi na naman ang naiambag ng ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM o ALS ng DepEd sa tagumpay ng topnotcher ng Licensure Examination for teachers sa taong ito na si Michael Prince Del Rosario. Sa interview kay Michael ng TV show na Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN ngayong umaga, Mayo 20, 2016, sinabi niya na "nasa cloud 9 pa rin" ang pakiramdam niya at ng kanyang pamilya sa tagumpay na nakamit. Ayon pa rin kay Michael, bagamat confident naman siyang makakapasa dahil sa paghahanda ng kanyang review center at ng kanyang mga natutunan sa paaralan, hindi rin niya inakalang magiging topnotcher siya sa LET ngayong taon.
Sa panayam kay Michael, sinabi niyang naging problema din siya ng kanyang mga magulang noong high school dahil naging adik siya sa computer games, first year high school pa lang siya. Sa tuwing papasok sana siya sa eskuwelahan, sa computer shop ang kanyang punta at ginugugol niya ang maghapon sa paglalaro ng "Ragnarok" kung saan siya ay naadik sa paglalaro nito sa loob ng apat na taon! Mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon ay naglalaro lang siya sa computer shop at kasabay naman ng pag-uwi ng mga estudyante sa hapon siya ay lumalabas sa computer shop. Gayunpaman, sa kanyang salaysay, nagising din siya sa katotohanan na ang kanyang buhay ay wala nang patutunguhan kung kayat siya ay humingi ng gabay ng Diyos at nakawala naman siya sa kanyang pagka-adik sa computer game.
Lubos ding nagpasalamat si Michael sa programang ALS ng DepEd na siyang tumulong sa kanya upang matapos ang high school at makakuha ng kurso. Una siyang nagtapos ng Nursing kung saan naging Top 8 din siya sa Nursing Board Examination noong 2010. Sa Katatapos na Licensure Examination for Teachers, Secondary Level, si Michael ang naging topnotcher sa markang 92%. Sa taong ito, mahigit 53,000 ang kumuha ng LET sa Pilipinas at sa bilang na ito 18,810 lamang ang pumasa o katumbas ng 35 porsiento, ayon sa datos ng programang Umagang Kay Ganda.
Source: FB user Carl E. Balita
Accessed: May 20, 2016
Umagang Kay Ganda TV Show of ABS-CBN
Ang umagang Kay Ganda ay pinangungunahan naman ng mga hosts na sina Bernadette Sembrano, Anthony Taberna, Winnie Cordero, Ariel Ureta, Bianca Gonzales, Atom Araullo, Doris Bigornia, Zen Hernandez at Jorge Carino.