Agatha Louise Azcarraga Batan

Ako si Agatha Louise A. Batan, dalawampu't isang taon gulang, isang dalagang ina. Sa kabila ng aking maagang pagsabak sa responsibilidad sa buhay, hindi ito naging balakid upang ako ay magpatuloy sa aking pag-aaral. Mahirap man, sinikap ko itong mapagtagumpayan. Noong nakaraang taon, naisipan kong mag aral ulit dahil gusto kong makapagtapos ng highschool. Tinulungan ako ng isang kaibigan upang makapag-enroll sa ALS.

Sa kabila ng kakapusan sa buhay sinikap kong mairaos ang aking pag-aaral sa ALS. Naranasan kong pumasok sa center na kulang ang baon ko. Naranasan ko ding kulang ang aking pamasahe pero humahanap ako ng paraan para makapasok lang. Isinasama ko din minsan ang aking anak sa ALS center para lang hindi ako lumiban sa klase. Hindi ko alintana ang mga paghihirap ko na iyon bagkus ginawa ko itong inspirasyon at motibasyon upang magpatuloy.

Kung may mga mabigat sa damdaming karanasan, mayroon ding mga nakakatuwa at masayang alalahanin. Minsan, nabigyan ako ng pagkakataon ng aking mga guro na lumahok sa binibining ALS pero hindi ko ito napagtagumpayan. Ngunit ang pagkabigo ay hindi ko alintana, marami akong natutunan sa oportunidad na iyon. Dumating ang isa pang pagkakataon. Ito naman ay ang quiz bee competition. Excited talaga ako sa pagkakataong iyon at ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang hindi mabigo ang aking mga guro. Nag-aral pa akong lalo upang maging handa sa kompetisyon na iyon. Sa pagkakataon na yun ay ginamit ko ang aking mga napag-aralan sa abot ng aking makakaya at sa hindi ko inaasahan, ako ang itinanghal na kampiyon. Lahat ng sakripisyo, pagod at puyat nagbunga lahat ang pinaghirapan ko. Higit sa lahat, malaki ang naitulong nito upang mas maging madali para sa akin ang pagkuha ko ng pagsusulit sa ALS. Sa madaling sabi, nakapasa ako sa A&E test kahit maraming beses naipagpaliban ang pagsusulit. Halos sumuko na ako pero masarap naman sa pakiramdam na maganda ang naging bunga ng mga napagdaanan kong pagsubok.

Salamat sa kaibigan kong tumulong sa akin, utang na loob ko sa kanya ang makapagtapos ako. Salamat din sa mga taong nagmamahal sa akin. Ngayon ay isa na akong kolehiyala. Panibagong pagsubok na naman ang darating sa akin. Masaya ako dahil lahat ng pagsubok na napagdaanan ko, nasuklian naman ito ng maganda. Aking napagtanto na lahat ng problemang dumadaan sa ating buhay ay may kapalit na maganda basta hindi lang tayo magpapatalo sa hamon ng buhay. Palagi tayong magdasal sa Panginoon at hindi niya tayo pababayaan. Sa lahat ng bagay, ang Diyos ay papurihan.

-Agatha Louise Azcarraga Batan-
ALS-A&E Test Passer 2015