Ang Kuwento Ng Buhay Ko

Ni Belen Morales Novio



Ako si Evelyn Morales Novio. Tawagin niyo na lang akong Belen. Magsasaka ang aking mga magulang. Mahirap ang naging buhay namin mula sa aking pagkabata. Kung sa manok, isang kahig isang tuka ang buhay namin. May makakain ngayon, bukas wala. Ganitong buhay ang nakagisnan ko . Ito din ang dahilan kung bakit hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral.

Sa kabila ng aming kahirapan, nandoon ang pagsusumikap ng aking mga magulang na mapag-aral kami. Nakapagtapos ako ng Elementarya ngunit hanggang doon lang ang kayang ibigay ng aking mga magulang. Dahil dito namasukan akong kasambahay upang makatulong sa aking mga magulang at upang makaipon. Nag enroll ako sa high school subalit first year high school lang ang natapos ko. Dahil hindi ko na talaga kayang tustusan ang aking pag-aaral. Kasi, kahit sa pagkain pa lang, kapos na kami, kaya napilitan ulit akong namasukan bilang isang kasambahay, hanggang sa nagkaroon na ako ng sariling pamilya at tuluyan ko nang nakalimutan ang pangarap na makapag tapos ng pag-aaral.

Ngunit minsan, malupit ang tadhana. Nagkahiwalay kami ng napangasawa ko sa dahilang may iba siyang minahal na siyang dahilan ng pagbitaw ko sa aming relasyon. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa noong tuluyan na kaming iniwang mag-iina. Hindi ko alam kung papaano ko bubuhayin ang mga anak ko. Ngunit sa halip na magmukmok sa isang tabi at matulala araw araw, nagpakatatag ako para sa mga anak ko. Sa tulong ng aking mga kaibigan at pamilya unti-unti akong bumangon. Dahil wala akong ibang alam na trabaho at wala akong pinag-aralan, namasukan ulit ako bilang isang kasambahay nang sa ganon ay mabigyan ko ng maayos na buhay ang mga anak ko.

Kahit anumang problema ang dinanas namin sa buhay, hindi ako nawalan ng tiwala sa Diyos. Alam kong mahal Niya kami at nang aking mga anak. Isang araw nang minsan akong naghatid sa alaga ko sa eskwelahang pinapasukan nito, nabanggit ng kaibigan ko ang ALS. Hindi ako nagdalawang isip na magpatala dito. Agad akong nagpunta sa San Antonio Elementary School sa may Barangay Katipunan, Quezon City para magpatala kay maam Alma Orozco. At doon na nagsimula ang aking pakikipagsapalaran upang makamit ang aking inaasam-asam na makapagpatuloy sa aking pag-aaral.

Habang nag aaral ako sa ALS nahirapan akong mag-review dahil sa halos wala akong oras sa aking pag-aaral. Minsan, hindi ako nakakapasok. Marahil kung pagbabasehan ang attendance bagsak ako! Pero hindi ako ang taong sumusuko agad-agad. Nagpursige akong mag-aral at magsanay sa pagsusulat ng sanaysay o essay. Habang nagluluto, naisisingit ko ang pagsusulat ng sanaysay. At pagkatapos nirerecord ko sa aking cellpone para kahit naglalaba o naghuhugas ng plato napapakinggan ko ang mga essay na isinusulat ko.

Walang imposible sa taong nagpupursige. Walang hindi maaabot na pangarap basta magsumikap .Matagal ang hinintay ko bago nalaman ang resulta ng exam at laking tuwa ang aking nadama nang malaman kong isa ako sa mapapalad na nakapasa sa Alternative Learning System.

Nabigo man ako sa ngalan ng pag ibig, pero ang isang pangarap na naibaon sa limot ay nagkaroon ng katuparan sa panahong hindi ko inaasahan. Dahil kapag ang maykapal ang tutulong sa atin, makakamtan natin ang pangarap na inaasam . Manalig lang sa Maykapal at magtiwala sa sariling kakayahan, siguradong may tagumpay sa iyong nakalaan at naghihintay.

Sa ngayon, nag aaral po ako sa TESDA. Natapos ko na ang Food and Beverage Service at kasalukuyan akong aaral ng basic computer kasi gusto kong paunlarin ang aking kaalaman sa computer. At pagkatapos nito plano ko ring kukuha ng basic culinary at advance culinary para makakuha ako ng National Certificate mula sa TESDA.

Gusto kong pasalamatan ang mga amo ko na sila Mr. Romel and Mrs. Evelyn Evangelista dahil sa pagpayag nilang makapag-aral ako ng ALS at sa mga naging teachers ko sa ALS na sina maam Alma Orozco and maam Ferlinda Palaca. Nais ko ring pasalamatan si Mr. Edgar Manongdo, ang admin ng www.alsreviewer.com at ng Facebook group na ALS Reviewer Philippines sa pagtatampok ng aking kuwento. Sanay makapagbigay inspirasyon ang aking kuwento upang makamit din ng mga ALS learners ang tagumpay na kanilang inaasam.

Evelyn Morales Novio