Magandang buhay po sa lahat! Ako si Emily Fernandez Dadez,28 years old at may dalawang anak. Nagmula ako sa Lungsod ng Cabanatuan,Lalawigan ng Nueva Ecija. Sampu kaming magkakapatid at ako ang panganay. Ulila na kami sa ama mahaba-habang panahon na rin at tanging si nanay na lamang ang aming kasama. Narito po ang kuwento ng aking buhay sampu ng aking mga kapatid na nakapasa at nakapagtapos sa programa ng Department of Education na Alternative Learning System (ALS).
Taong 2010 unang nagbukas sa buhay ng aking kapatid na si Paul James ang programa ng ALS. Isang kaibigan ang nag-imbita sa kanya at ipinakilala sa Mobile Teacher nito,si Sir Gerard DC Carlos. Noong una ay diskumpiyado sya ngunit wala namang mawawala at dahil sa gusto niyang makapagtapos ng sekondarya ay pumasok sya dito. Simula kasi noong mamatay si papa ay hindi na nagawang ipagpatuloy pa sa pormal na paaralan ang kanyang pag aaral. Hindi ito naging madali para sa kanya sapagkat ang pagsulat ng essay ay hindi biro. Ngunit dahil sa tulong ng kanyang guro at sa pagsusumikap na rin niya ay nagawa niyang matutunan ang bagay na akala nya ay imposible para sa kanya, ang makalikha ng sariling sanaysay. Nag-aral siyang mabuti at noong taong 2011, sya ay nakapasa at nakatapos bitbit ang ipinagmamalaking diploma. Ngayon po siya ay nakapagtapos na rin ng kursong Welding sa TESDA.