Ako po si Clay Garban Dari tubong Pitogo, Zamboanga Del Sur. Naulila ako sa ama noong dalawang taong gulang pa lang ako. Lumaki po ako sa piling ng aking mga lolo at lola sa side ng aking mama. Noong mamatay ang aking papa, nag-asawa ulit ang aking mama. Bunso ako na anak nina mama at papa at nagkaroon pa ulit ng tatlong kapatid sa sumunod na asawa ni mama.
Dahil maaga akong naulila, natuto akong magsumikap. Para makapag-aral, namasukan ako sa aking tita mula noong Grade 4 hanggang 3rd year high school. Noong mag-4th year high school na ako, umuwi ako kina mama.
Dahil sa impluwensya ng barkada, natuto akong uminom at gumala, at nawala ang sigla ko sa pag-aaral. Tumigil akong mag-aral noong kalagitnaan ng school-year 2004-2005. Magtatapos na sana ako sa taong iyon, pero lumayas ako sa amin. Pumunta ako sa ibang lugar at ako ay namasukan ng kung anu-anong trabaho, basta marangal, kahit mababa ang sahod, para lang makakain ako. Mahirap ang naging kalagayan ko. Namasukan ako bilang serbidora sa isang maliit na carinderia. Makalipas ang ilang buwan, nabuntis ako at naging isang single mother.
Akala ko hanggang doon na lang ang aking kayang abutin. Ngunit noong 2006, nabalitaan ko ang tungkol sa ALS program ng DepEd. Kumuha ako ng ALS A&E test at laking tuwa ko nang maipasa ko iyon. Dito nagbukas ang isa pang pagkakataon para maituwid ko ang aking landasin sa buhay.
Nag-aral ako sa Western Mindanao State University, External Studies Unit sa Pitogo, Zamboanga del Sur at nagtapos ako noong Abril 2011 ng kursong Bachelor of Secondary Education, Major in English. Kasabay ng aking pagpupunyaging buhayin ang aking anak, nagsumikap akong mag-aral dahil ito lang ang alam kong makapagbabago sa aking kinabukasan. Pagkatapos ng aking graduation, naging volunteer teacher ako ng Alternative Learning System. Nagsumikap ako upang bigyang pag-asa ang mga katulad ko noon na hindi nakapagtuloy sa pormal na antas ng edukasyon.
September 2015 noong kumuha ako ng pagsusulit sa Licensure Examination for Teachers at laking tuwa ko noong maipasa ko ito. Pagkatapos noon, nagpatuloy pa rin akong naglingkod bilang ALS teacher hanggang noong Marso, 2018. Nitong taon lang 2018, akoy mapalad na nakapasok bilang guro ng sekondarya sa Culabay National High School sa Culabay, Tabina, Zamboanga Del Sur.
Masalimoot ang ang aking naging kapalaran. Gayunpaman, masasabi kong naabot ko pa rin ang aking pangarap sa buhay. Hindi man naging matagumpay ang naging kapalaran ko sa pag-ibig, masaya naman ako na kasama ang aking anak na 12-taong gulang na ngayon.
Para sa mga ALS learners sa ngayon, ang masasabi ko lang ay ipagpatuloy ninyo ang inyong pagsisikap upang makamit ninyo ang inyong mga pangarap sa buhay. Magsumikap, magporsige at matutong magtiis. Ito ang mga kalidad na tumulong sa akin upang mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay. Walang kabuluhan ang tulong ng mga taong nagmanahal sa atin kung hindi natin ito gagamitin sa mabuting paraan. Kaya, hanggang may tumutulong pa sa atin, gamitin natin ito para sa ikauunlad ng ating buhay at makakaasa tayong darating din ang panahon na magbubunga ang lahat ng ating pagsisikap. Hindi hadlang ang kahirapan, edad, kapansanan, at ang ating katayuan sa buhay upang makamit ang tagumpay. Success is not given, it is earned with hard work! -- Clay Garban Dari, ALS graduate, isang guro.