Simula Ng Pangarap...karugtong

Personally ay naging inspirasyon ko ang aking mga anak at ang kahirapan ng buhay. Nakakatuwa nga sapagkat noong una ako'y hirap talaga sa paggawa ng essay. Ayoko kasi ng Filipino subject. English at Mathematics ang aking gusto. Halos sumuko na ako noon. Hindi ko talaga kayang sumulat ng sanaysay. Ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa. Nagsumikap ako. Nagbasa ako nang nagbasa ng mga aklat upang madagdagan ang aking kaalaman at magkaroon ako ng idea kung paano magsulat ng sanaysay. At syempre sa tulong ng aming responsableng guro, ako ay natuto. Hindi sya nagsawang kami ay turuan sapagkat ayon sa kanya, ang pangarap niya ay matupad ang aming mga pangarap.

Iba't-ibang balakid ang sumubok sa aking katatagan at pangarap. Dumating pa sa punto na nasabi kong suko na ako. Bakit ba kasi pumasok pa ako dito? Bakit ba kasi pinilit pa nila ako? Nakakainis talaga! Subalit sa tuwing naiisip ko si papa, kung paano ako nangako sa kanya noong kami ay kanyang nilisan, kung paano ako pinursige ng aking pamilya na muling mag-aral, at sa tuwing nakikita ko ang aking mga anak, nabubuhay ang pag-asa sa aking puso. Bumabangon ang sidhi sa aking damdamin upang ipagpatuloy at tapusin ang aking nasimulan. Ayaw kong ito ay masayang. Nandito na ako eh. Tiyaga, tiwala at tiis lamang nakaya ko ito. Ipinangako ko sa aking sarili na ako ay makakapasa at makakatapos ng sekondarya sa pamamagitan ng programang ALS. Ipapakita ko sa lahat na wala sa edad o estado ng buhay upang makapagtapos ng pag-aaral at makamit ang mga minimithi sa buhay. Sa halip na pansinin ang mga negatibo sa aking paligid, nagpokus na lamang ako at nag-aral nang mabuti.

ituloy ang pagbasa...i-click ang link...