Simula Ng Pangarap...karugtong

Sumunod namang nag-aral sa ALS ang isa ko pang kapatid na si Mark Joseph. Dahil sa kinakapos pa rin kami at di kayang mag-aral ng sabay-sabay sa pormal na eskwelahan ay nakumbinsi rin syang pumasok sa ALS. Tulad ng nauna, hindi rin ito naging madali ngunit sa pagsusumikap at sa kagustihan ding makapagtapos, sya ay nag-aral mabuti. Sa awa ng Diyos at sa kanyang pagsusunog-kilay, siya rin ay nakapasa at nakapagtapos ng high school sa pamamagitan ng ALS noong taong 2012. Siya po ay nakapagtrabaho sa isang sikat na Hotel sa Cabanatuan. Nagamit nya ang kanyang diploma dito.

Taong 2013, ako kasabay ng dalawa ko pang kapatid na sina Joshua at Angelica ang sumubok ding mag-aral sa ALS. Noong una ay ayaw ko naman talaga. Ang sabi ko pa, hindi ko na kailangang mag-aral. Dalawa na ang aking anak. Sila na lamang ang pag-aarain at pagtatapusin ko nang sa gayon ay di sila matulad sa akin at magkaroon sila ng maayos at magandang buhay pagdating ng panahon. 2nd year high school lamang kasi ang aking natapos. Ngunit hindi ako sinukuan ng aking mga kapatid na nauna nang nag-aral sa ALS maging ni nanay. Sabi nila, "wala namang mawawala sayo kung ipagpapatuloy mo ang iyong pag-aaral. Malay mo makapasa ka. Matalino ka. Andito naman kami para bantayan at alagaan ang mga anak mo kapag may pasok ka." Sa wakas ay nakumbinsi nila ako. Pumasok kaming tatlong magkakapatid sa ALS nang sabay-sabay. Tatlong beses lamang sa loob ng isang linggo ang pasok kaya naman ang mga nalalabing araw ay ginugugol namin sa paghahanapbuhay. Nakikipitas kami ng kalamansi o di kaya'y gulay kapalit ng kaunting kita. Hindi naman kasi kami mayaman,tama lamang. Naranasan din namin ang makipagtanim ng palay noon upang masuportahan ang aming pag-aaral. Sa bayan pa kasi kami pumapasok. Hindi naging madali ang lahat sapagkat may panahon na talagang kapos kami at walang magawa kundi ang lumiban sa klase. Sinubok kami ng pagkakataon bago namin naabot ang aming pangarap na makapagtapos.

ituloy ang pagbasa...i-click ang link...