MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA COVID-19

Posted: March 14, 2020
by: Admin


COVID-19, isang uri ng coronavirus na kumakalat ngayon sa ibat-ibang bahagi ng mundo, kinatatakutan at nakamamatay dahil wala pang nadidiskubreng bakuna, panlaban o lunas. Ano nga ba ang mga coronaviruses? Paano ito natuklasan? Paano ito nasasagap ng isang tao? Anu-ano ang mga simtomas na makikita sa taong apektado nito? At paano ito malalabanan?

PAGKADISKUBRE NG MGA CORONA VIRUSES
Ayon sa pagsasaliksik, ang mga coronaviruses ay unang nadiskobre noon pang 1960s[1].Ang mga unang uri ng mga coronaviruses ay ang bronchitis mula sa mga manok at dalawang uri ng virus na nagmula naman sa tao na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng sipon. Pinangalanan itong coronavirus 229E at human coronavirus OC43.Mula noon ibat-iba pang uri ng virus na ito ang nadiskobre gaya ng SARS-CoV noong 2003, HCoV NL63 noong 2004, HKU1 noong 2005, MERS-CoV noong 2012, at ang SARS-CoV-2 o ang tinawag na 2019-nCoV noong nakaraang taon 2019 o ang COVID-19. Ang epekto ng mga coronaviruses na ito ay ang pagkakaroon ng malalang impkesyon sa respiratory system na maaaring ikamatay ng isang may impeksyon[2]. Sa ngayon idineklara na ng World Health Organization na ang COVID-19 ay isa nang pandemya na umaapekto sa maraming bansa sa mundo. Ayon sa datus ng WHO, umaabot na sa 114 bansa ang apektado nito kung saan mahigit 4,000 katao na ang namamatay.[3]

PAANO ITO NASASAGAP

  • Pisikal na pakikihalubilo.
    Pangunahin sa mga paraan kung paano ito maaaring mahawaan o makuha sa iba ay ang pisikal na "contact" a pakikihalubilo sa isang apektado ng COVID-19 virus.
  • Pagkatalsik o pagkalanghap ng mga "droplets" mula sa mga binabahing o inuubong apektado ng COVID-19 virus.
  • Paghawak ng mga materyal na nahawakan ng taong may COVID-19 virus gaya ng mga hawakan ng pinto, mga damit, panyo o iba pang personal na gamit ng taong may COVID-19.

MGA SIMTOMAS

  • pagkakaroon ng sipon o runny nose
  • madalas na pagbahing
  • paghuni ng dibdib sa paghinga
  • pag-ubo
  • pagkairita at pangangati ng lalamunan
  • pananakit ng ulo
  • pagkakaroon ng lagnat
  • panghihina

PAANO POPROTEKTAHAN ANG SARILI
Dahil wala pang nadidiskubreng bakuna kontra COVID-19, kinakailangan ang mga sumusunod na hakbang para maiwasan ito.

  • Palagiang paghuhugas ng kamay ng tubig at sabon o paggamit ng alcohol-based hand sanitizer.
  • Kapag inuubo, o binabahing, takpan ang ilong at bunganga ng tissue at kaagad itong itapon sa basurahan
  • Huwag lumapit sa mga taong may sakit lalo na ang may mga simtomas na kagaya ng nabangggit na.
  • Lutuing mabutim ang inyong pagkain lalo na ang mga karne at itlog.
  • Umiwas sa mga hayop, lalo na ang mga wild animals
  • Magpahinga ng tama
  • Magpatingin sa doktor kapag may sakit.

Ayon sa mga eksperto, pinakamabisa paring ang personal hygiene na pangontra sa anumang sakit. Kaya may COVID-19 man o wala na, palagiing malinis ang ating katawan at tiyaking malinis at masustansya ang ating kinakain.

Sources: [1] [2][3]