KALAGAYAN NG ALS SA PILIPINAS, INIULAT NG WORLD BANK

Posted: January 31, 2020 - 11:00 PM
by: Admin


Inilathala ng World Bank ang kalagayan ng Alternative Learning System o ALS sa Pilipinas base sa report ng Philippine Statistics Authority. Ayon sa naturang report, binansagan ang ALS bilang pangalawang pagkakataon ng mga Out-Of-School Youth and Adults upang mapaunlad ang kanilang kakayahan o tinatawag na "human capital". Narito ang mga pangunahing kalagayan ng ALS sa bansa ayon sa ulat na ito.

1) Kalahati ng bilang ng mga mag-aaral na Pilipino ang nahihirapan pa ring makapagtapos sa sekondarya sa tamang edad. Ibig sabihin nito na marami pa ring Pilipino ang natitigil sa pag-aaral sa ibat-ibang kadahilanan bago makapagpatos ng high school. Ito'y sa kabila ng kamangha-manghang pag-unlad sa pagpapalawak ng programa ng edukasyon sa bansa para makatapos ng high school ang mga Pilipino.

2) Ang programang Alternative Learning System o ALS ay programa ng DepEd na naglalayong mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga Pilipino na tumigil sa pag-aaral sa formal system upang makatapos ng sekondarya. Ang mga Pilipinong nakapagpalista sa ALS ay sasabak sa isang pagsusulit na tinatawag na Accreditation and Equivalency Test o A&E Test at ang mga papasa dito ay kikilalanin ng gobyerno ng Pilipinas na nakapagtapos sa antas ng elementarya o sekondarya (Junior High o grade 10) at maipagpapatuloy nila ang kanilang pag-aaral sa mas mataas na antas sa formal school system o sa mga vocational training schools at magkakaroon sila ng tsansang makakuha ng mas magandang trabaho sa hinaharap.

3) Ang bilang ng mga mag-aaral na nakinabang sa programa ng ALS ay nadagdagan, mula sa 537,666 noong 2016, tumaas ito sa 641,584 noong 2017.

4) Maraming hamon ang humahadlang sa mas epektibong implementasyon ng ALS. Ito'y sa kadahilanang iba't-iba ang nag-uudyok sa mga ito na mag-aral, iba't-iba ang lugar na kanilang pinagmulan at iba't-iba rin ang kanilang antas ng pamumuhay. Sa nakalipas na pag-aaral ng DepEd, napag-alamang 3.7 milyong mga kabataan na edad 16-24 at 3.1 milyong "young adults" naman o yung nasa edad 25-30 ang hindi pa nakakapagtapos ng junior high school (grade 10)at kasalukuyang hindi nag-aaral sa formal school. Ito'y bumubuo sa 23% ng mga edad 15-30 na mga mamamayang Pilipino.

5) Ang pundo ng ALS ay nananatiling mas maliit pa sa 1% ng pundo ng pampublikong gastusin para sa pangunahing edukasyon sa Pilipinas.

6)Sa pagitan ng 2014 at 2016, halos 60% ng mga ALS enrollees ang regular na dumalo sa mga sesyon ng pag-aaral at 30% naman ang pumasa sa pagsusulit ng A&E. Ang mga kalahok na kababaihan ay napag-alamang may mas nakatataas na kakayahan kaysa sa mga kalalakihan (females outperformed the males). Napag-alaman din na mas mataas ang nakuha ng mga pumasa mula sa mga lunsod kaysa sa mga mula sa mga kanayunan o probinsya.

7) Sa mga nakapasa ng A&E, 60% ang nagpatuloy sa kolehiyo at vocational schools. Dumoble rin ang tsansa ng mga pumasa sa A&E na makakuha ng full-time na trabaho kumpara sa mga di pumasa.

8) Ang ALS ay may malaking papel upang mapaunlad ng mga hindi nag-aaral na kabataan ang kanilang sarili, mapaunlad ang kanilang edukasyon ng pangmatagalan at makakuha ng mas magandang trabaho.

Source: WorldBank.Org