REVIEWERS
A&E Test, Mga Dapat Malaman Current-Events ALS Posts ALS News ALS Facts ALS Blogs Learn Web Design  

Paano Mag-apply ng Senior High School Voucher ang mga ALS Passers?

Image credit: The above image is a screengrab from DepEd website.

Ang mga ALS learners ay may mga kanya-kanyang rason kung bakit sila napadpad sa ALS imbes na sa formal schools. Subalit dahil sa kagustuhang makapagtuloy sa pag-aaral sinisikap nilang makabalik sa paaralan sa tulong ng ALS. Kapag pumasa sa ALS puwede na silang magtuloy sa senior high school kung saan silay kualipikadong pumasok sa grade 11.

Karaniwan nang kakulangan sa pinansyal na tustusin ang problema ng mga ALS learners. Kaya naman malaki ang maitutulong sa kanila ng Senior High School Voucher Program upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Dahil dito, karaniwan ding tanong ng mga ALS passers kung paano nga ba mag-apply sa SHS Voucher Program. Sa artikulong ito, ating tatalakayin kung anu-ano ang mga hakbang upang makapag-apply ng SHS Voucher ang mga ALS Passers.

Ayon sa DepEd Order No. 60, s. 2017, ang mga ALS Passers ay nabibilang sa Category E. Sila ang mga estudyante na kumuha ng Alternative Learning System o (ALS) Accreditation and Equivalency (A&E) Test kasama na ang mga kumuha ng Philippine Education Placement Test o (PEPT) at silay pumasa at nagkaroon ng sertipikasyong puwedeng mag-aral sa Grade 11 sa taong SY 2018‐2019, basta ang kanilang sertipikasyon ay nakuha nang hindi lalagpas sa May 31, 2018. (UPDATE: ANG DEADLINE PARA SA MANUAL APPLICATION PARA SA ALS AY SA JUNE 15, 2018 PA)

Dalawang sistema ang puwedeng gawin upang maka-aaply sa SHS Voucher Program. Ang una ay sa pamamagitan ng manual application at pangalawa ay ang online application.

Narito ang mga hakbang sa pag-apply sa pamamagitan ng manual application.

1) Kumuha ng Voucher Application Form (VAF-1) sa DepEd Schools Division Offices, Junior High Schhols (JHSs), o kaya sa mga non‐DepEd Senior High Schools, at kompletuhin ito.

2) Kumuha ng bagong 2X2 colored ID photo

3) Kumuha ng proof of financial means kagaya ng income tax return kapag nagtatrabaho ang mga magulang, certificate of employment naman kapag nasa ibang bansa ang mga magulang kung saan nakasaad ang kanilang trabaho at buwanang sahod, o dili kaya'y certificate of non-filing income tax return kung hindi kailangang mag-buwis ang mga magulang, o kaya naman ay municipal certificate of non-employment kung walang trabaho ang mga magulang. Kung sinusuportahan ka naman ng ibang tao, kumuha ng Affidavit of support kung saan nakasaad ang buwanang suporta.

4) Certificate of eligibility to enroll in grade 11 .

5) Ilagay ang lahat ng mga dokumento sa isang brown envelope at ihulog ito sa address na ito o kaya ay isadyang isumite dito:

SHS Voucher Program Applications
PEAC National Secretariat
5th floor, Salamin Building
197, Salcedo Street
Makati City 1229

Kailangang siguraduhing may email address o phone number sa application para makontak ka ng PEAC patungkol dito. Isumite ang mga dokumento bago ang deadline ng pagpasa ng mga applikasyon.

Para naman sa online application, pumunta sa website na ito at magfill-up ng application online. I-scan ang lahat ng mga dokumentong nabanggit na sa itaas at i-upload sa website na ito: http://ovap.deped.gov.ph . Ang deadline para sa online application ay tapos na noon pang February 28, 2018. Gayon pa man, dahil sa ipinagpaliban ang online application para sa mga ALS passers, makipag-ugnayan sa inyong mga ALS supervisors tungkol dito baka may mga pagbabago pa.

Mula sa ALS Reviewer Philippines, ang aming pagbati at sanay matulungan kayo ng SHS Voucher Program ng DepEd.

By: Edgar Manongdo

About the writer: The writer had been an experienced newswriter, radio reporter and news anchor for radio. In the past, he had served at DZSO, Bombo Radyo La Union and at DZNL Radio, San Fernando City, La Union, Philippines.


Posted: June 7, 2018
SOURCE: DEPED