ALS TEST MATERIALS 2019, ILILIMBAG NA

Posted: December 22, 2019 - 1:00 PM

Inilabas na ng DepEd ang Notice of Award para sa ahensiyang maglilimbag at magiimbak sa mga Accreditation and Equivalency (A&E) Test Booklets at Non-Classified Materials, paglilimbag ng mga Scannable Answer Sheets at Certificates of Ratings, kasama na ang pagproseso sa Resulta at Statistical Data, pag-deliver at paglikom ng mga A&E Test Materials. Ito ang nilalaman ng Notice of Award na inilabas ng DepEd noong Dec. 6, 2019 na nilagdaan ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones noong Dec. 4, 2019.

Sa nasabing Notice of Award, napag-alamang nagkakahalaga ang proyektong ito ng Kulang-kulang 17 Milyong Pesos. Ang award ay opisyal namang tinanggap ni Mr. Michael J. Dalumpinis, ang Chariman at President ng APO Production Unit Inc. na may address sa 2nd Floor, Philippine Information Agency Building (PIA), Visayas Avenue, Quezon City.

Kaugnay nito, inaasahang tuloy-na tuloy na ang implementasyon ng ALS A&E Test ng taong 2019. Gayon pa man hindi pa matukoy ang petsa kung kailan gaganapin ang naturang pagsusulit. Ilang araw na lamang at papasok na ang taong 2020, kaya malabong sa taong ito magaganap ang naturang pagsusulit. Sa mga nakaraang taon, ang A&e TEST ay karaniwan nang nagaganap sa buwan ng Pebrero.