ALS-MOBILE EDUCATORS, KASAMANG PAGPIPILIAN PARA SA KOREA-PHILIPPINES TEACHER EXCHANGE PROGRAMME 2020

Posted: February 4, 2020 - 10:00 PM
by: Admin


Nagpalabas ngayon ang DepEd ng memorandum para himukin ang mga regional at division offices ng DepEd na magsumite ng mga pangalan ng mga gurong pagpipilian para maipadala sa bansang Korea para sa Korea-Philippines Teacher Exchange Programme 2020.

Naniniwala ang DepEd na dahil sa globalisasyon kinakailangan ang mga inisyatibong magpapaunlad sa kapasidad ng mga susunod na henerasyon. Dahil sa paglobo ng mga bilang ng mga mag-aaral sa Korea at iba pang lugar sa Asia- Pasipiko, kinakailangan din ang mga hakbang para matugunan ang mga pagbabagong ito sa edukasyon. Ang pagkakaroon ng mga kwalipikadong guro para matugunan ang pangangailangang ito at pagkakaroon ng pagsasanay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga ibang bansa o international cooperation ay itinuturing na epektibong paraan para mapataas ang kakayahang pang-globo ng mga guro.

Sa kadahilanang ito, inilunsad ng Korean Ministry of Education at ng Asia Pacific Center for International Understanding sa ilalim ng UNESCO ang Teacher Exchange Program sa pagitan ng Korea at Mongolia at ng Korea at Pilipinas noong 2012 na naglalayong paunlarin ang kakayahan ng mga guro. Dahil dito, hinihimok ang mga regional at division offices ng DepEd na magnomina ng mga gurong pagpipilian para susunod na programang ito sa kasalukuyang taon. Ang mga mapipiling mga guro mula dito ay ipapadala sa mga piling paaralan sa Korea mula Abril 2020 hanggang July 2020.

Ang responsibilidad ng mga kalahok na guro ay ang paggawa ng mga lesson plans, pagpapakilala ng kulturang Pilipino sa mga estudyanteng Koreano, pagpapalitan ng mga kaalaman sa pagtuturo at paggawa at pagsusumite ng mga kinakailangang mga reports sa mga kinauukulang opisina sa DepEd at sa Korean Ministry of Education.

Ang naturang programa ay bukas para sa mga SPED at ALS Mobile educators na may mga sumusunod na kuwalipikasyon:

a. 5-taon na karanasan sa pagtuturo at very satisfactory performance rating; b. Master Teacher, hanggat maaari; c. Hindi pa nakakatanggap ng pundo mula sa gobyerno ng Kore para sa mahigit sa isang buwang programa; d.magaling sa English at may kaalaman sa basic Korean language; e. di hihigit sa 50 taong-gulang, at malusog sa pangangatawang pisikal at mentally fit; f. may valid na pasaporte.

Inaasahang maisusumite ang nominasyon bago ng Pebrero 07, 2020.

Para sa karagdagang impormasyon makipag-ugnayan sa International Cooperation Office, Ground Floor, Teodora Alonzo Building, DepEd Central Office, Pasig City sa pamamagitan ng email: ico@deped.gov.ph o tumawag sa telepono (02)8637-6463

Ang naturang memorandum ay pirmado ni Secretary Leonor Magtolis Briones.

Source: DepEd Memorandum No. 13, s. 2020