Binuksan na ng DepEd ang pagpapalista para sa mga nagpaplanong pumasok sa formal education system sa taong 2020-2021. Ito’y nagsimula pa noong Pebrero 1, 2020 at tatagal ito hanggang Marso 6, 2020. Layunin ng programang ito na mahanap, makilala at maipalista ang mga out-of-school youth o mga kabataang hindi na nag-aaral sa ibat-ibang komunidad sa bansa. Kasama dito ang mga may kapansanan, naninirahan sa mga malalayong komunidad o baranggay na walang mga paaralan, mga naihihiwalay na lugar, mga nawalan ng tahanan dahil sa mga kalamidad o sakuna, mga naninirahan sa mga magugulong lugar at apektado ng mga digmaan, mga lugar na mataas ang naitalang mga kriminalidad o pag-abuso sa droga, mga may sakit at may kakulangan sa wastong nutrisyon, biktima ng pang-aabuso o economic exploitation, mga walang dokumentasyon, mga nagkasala sa batas, mga palaboy at mga lahat na hindi nag-aaral na gustong bumalik sa eskuwelahan.
Narito ang mga panuntunan para sa mga magpapalista:
Grade 1 – makakapagpalista ang mga sumusunod:
– mga nagtapos sa kinder
– mga pumasa sa PEPT para sa kinder level
– 6 taong gulang pataas mula Agosto 31, 2020 na hindi pa nakapagtapos ng kindergarten na pumasa na sa assessment na puwede nang mag-grade 1
Grade 7
Mga nagtapos sa Grade 6
ALS A&E Elementary Passers
Grade 11
Mga nagtapos ng Grade 10
Mga pumasa sa PEPT para sa Grade 10
Mga pumasa sa ALS A&E Secondary
Mga Kailangang Papeles
Grade 1
– Philippine Statistics Authority (PSA) or National Statistics Authority (NSO) birth certificate
– Kung walang birth certificate, puwedeng magsumite ng Local Civil Registrar (LCR) birth certificate, baptismal, or barangay certificate [Alinman sa mga ito]
Para sa mga mas mataas na antas, kailangang maipakita ang mga katunayan ng pagtatapos sa natapos na antas.
Para sa mga ALS learners kailangang ipakita ang inyong Certificate of Rating. Kapag wala kayong Birth Certificate kailangang kumuha ng late registration ng Birth Certificate ang inyong mga magulang o guardian sa Local Civil Registrar sa inyong munisipalidad, o kaya barangay certification na naglalaman ng mga sumusunod na impormasyon:
1) Pangalan: – first name, middle name, last name
2) Pangalan ng mga magulang
3) Date of birth
4) Sex
Kapag ang mga naturang dokumento ay hindi naipasa sa pagtatapos ng pagpapalista, ang mga mag-aaral ay papayagang makapagsimulang mag-aral ngunit kailangang maipasa ang mga ito hanggang Agosto 31, ng taong pagpasok niya sa paaralan.
Kailangang mapunan ang Basic Education Enrolment Form sa panahon ng maagang pagpapalista.
Puwedeng magsadya sa mga pampublikong paaralan at hanapin ang kanilang early registration desks o mga gurong naatasang tumanggap ng mga magpapalista.
Layunin ng maagang pagpapalista na masuportahan ang karapatan ng lahat ng mga Pilipinong nasa wastong edad para sa pag-aaral na makapagpalista upang mabigyan ng pantay na pagkakataon na mabigyan at makapagtapos ng pangunahin o basic education.
Source: DepEd Order No. 3, s. 2018