Isa akong batang walang tiwala sa sarili. Ganito ko ilarawan ang aking sarili sa nakaraan. Maliit ang tingin ko sa aking pagkatao, pakiramdam ko kasi'y wala akong kayang gawin at maipagmamalaki. Walang bilib at kumpiyansa dahil iniisip ko noon "ano nga ba naman ang magagawa ng isang batang may kapansanang tulad ko sa mundong ito"?
Lumipas ang mahabang panahon may isang napakalaking biyaya ang dumating sa akin. Isang biyayang nakapagpabago sa buhay ko. "ALS", simpleng salita ngunit napaka-espesyal para sa akin. Mula sa isang batang walang tiwala sa kakayahan ay binago ako nito bilang isang batang punong-puno ng pag-asa.
Ito na ako ngayon. Isang batang bukas ang mga mata at punung-puno ng pag-asa sa buhay. Isang biyaya at inspirasyong maituturing para sa akin ang pagkakaroon ko ng karagdagang edukasyon. Ano nga ba ang mangyayari bukas? Walang nakakaalam. Ang tanging nakikita lang ng aking mga mata ay ang magandang kinabukasang nag-hihintay dahil nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-aral at makapagtapos ng high school sa kabila ng aking kapansanan. Napabilang ako sa mga nakapasa ng A&E Test ng ALS noong 2015. Kabilang ako sa huling batch na puwede pang makapagtuloy sa kolehiyo na hindi na dadaan sa K-12 curriculum ng DepEd. Ngayon nananabik akong ipagpatuloy ang aking pag-aaral upang matupad ang aking pangarap na maging isang guro. Patnubayan nawa ako ng Maykapal.
Kaya sa mga katulad kong may kapansanan. Huwag sumuko sa buhay. Tama nga ang kasabihang "Habang may buhay, may pag-asa!".
-Jamie Lee Gonzales Clarke- |