Pursigido

Akda ni: Eric Ballentos Lauron
ALS-A&E Test Passer 2015

Ipinakikilala ng ALS Reviewer Philippines ang isa sa mga graduates ng ALS noong nakaraang 2015, si Eric Ballentos Lauron. Siya ay tubong Bintog, Plaridel, Bulacan. Si Eric ay sadyang makata, hilig niyang gumawa ng mga tula at kuwento at sa kanyang mga akda banaag ang dadamdaming nag-uumapaw sa kanyang dibdib. Isa rin siya sa mga tumanggap ng Learn and Earn Challenge na programa ng Hostwifi Web Solutions. Isang website ang kanyang pagkakaabalahan upang likumin ang kanyang mga akda. Puno ng pag-asa sa kabila ng mahirap na kalagayan sa buhay, kaya naman siya'y isang uliran para sa mga ALS learners. Basahin ang kanyang tula na sumasalamin sa kanyang buhay at abangan ang kanyang blog sa www.alabngpluma.com .




Butas ng karayom walang takot na linusot,
pumapasok sa paaralan kahit damit ay lukot,
panay kutya nila sa aking unipormeng gusot,
tiniis ko ang lahat dahil may nais akong maabot.

Resikulong kuwaderno aking pinagtiyagaan,
lumang bag ang madalas nilang pagtawanan,
kasama pa ng sapatos na luma't tinahi lang,
kamoteng kahoy na baon na siya ko ri'ng agahan.

Araw-araw ko nasasalubong ang kalagayang api,
anong magagawa ng tulad ko na mahirap lang kasi,
ang baon kong piso 'binili pa ni itay ng kape,
sapagkat magtatanim siya sa uma may makain lang kami.

Subalit hindi ako pinabayaan ng ating Diyos,
dahil mataas ang aking marka sa tuwing ako'y nagtatapos,
ito ang nagsisilbing tagaahon sa pagkahikaos,
at isang boses na sa sobrang kimkim nang ilabas paos.

Imbes matinag sa pangungutya't panglalait,
ginawa ko silang insperasyon na sa halip ay magalit,
yumuyukong nagdarasal pero puso ko'y sa langit,
"Ama,ikaw ang lakas at pag-asa ko" ang laging sambit.

Hindi ko pinansin ang mga balakid sa daan,
kung ako ay susuko ako mismo ang talunan,
pikit mata't boung loob ko itong lalampasan,
upang mamangha ang nag-aabang na ako ay pagtawanan.



-Eric Ballentos Lauron-
ALS-A&E Test Passer 2015