Talambuhay ni Ruben Pineda Bacud
Ako po si RUBEN PINEDA BACUD taga Barangay Namnama, Cabatuan, Isabela. BONITA ang mas kilalang tawag ng mga tao sa akin sa aming lugar. Masasabi kong ako ay namulat at lumaki sa sari-saring kuwento na naganap sa aming buhay. Buhay na para bang biglang nadapa at halos di makabangon dahil sa pagkalugmok sa kahirapan.
Magsasaka ang aking mga magulang. Sila ay kumikita lamang ng dalawang daang piso (P200) sa pakikitrabaho sa pagtatanim ng palay. Nakikipaghanapbuhay lang kami sa mga may tanimang-bukid. Kaya bilang pandagdag, nangingisda kami ng aking ama sa ilog para may makain at may pang-ulam kami.
Mahirap man kami, ipinagmamalaki ko pa rin ang aking ama dahil bukod sa masipag, maasikaso at mapagmahal rin siya sa aming mga magkakapatid. Subalit dahil sa sobrang pagtatrabaho, umabot sa punto kung saan napabayaan niya ang kanyang sarili at siya ay inatake sa high Blood. Nagkaroon din siya ng sakit sa puso at dahil dito siya ay naparalisa. Nagtagal ng isang taon ang kanyang paggagagamot. Dito mas lalo kaming naghirap hanggang pati ang mga gamit namin sa bahay ay tuluyan na din naming naibenta. Tanda ko pa, pati ang aming kuntador ay aming ibinenta. Mula noon, nagsimulang maging madilim ang aming buhay, pati na rin sa loob ng aming bahay!
Taong 2002 noong namatay ang aming ama. Ako ay katorse anyos pa lamang noon. Pangalawa ako sa anim na magkakapatid at maliliit pa lang ang tatlong kapatid ko noong iniwan kami ng aking ama. Wala pang isang taon ang aming bunsong kapatid. Kasama ang aming nanay, hindi namin alam kung saan kami kukuha ng makakain sa mga panahong iyon. Sa murang edad ko at ng aking mga kapatid, napilitan kaming magtrabaho sa bukid para lamang may makain. Arawan sa pagtatanim ng palay at paggagapas ng palay ang naging gawain namin. Dahil sa hirap na aming naranasan, ni isa sa amin sa mga panahong iyon ay walang nakapagtapos sa pag-aaral. Ang ate ko ay hangang grade-4 lamang. Ako naman ay hanggang grade-3 lang.
Labing anim(16) na taong-gulang ako noong lumuwas ako patungong Cavite upang mamasukan bilang isang kasambahay para makatulong sa nanay ko sa pagpapalaki sa aking mga kapatid. Isang libo, limang daang piso (P1,500) lamang sa isang buwan ang aking kinikita. Sa halagang ito tatlong-daan (300) na lamang ang natitira sa akin dahil ipinapadala ko ang iba sa probinsya para may ikabuhay sina nanay at ng aking mga kapatid. Nagtagal ako ng apat na taon bilang isang kasambahay. Maliit man ang kita, sinisikap ko pa ring mag-ipon. Noong mag-asawa ang kapatid kong lalaki, ako ang gumastos para sa kanya.
Sa maraming taon, iba't-ibang trabaho ang aking napasukan at iba't-ibang ugali ng amo ang aking pinakisamahan. Ganon pa man hindi ako sumuko, sa halip nagporsige ako. Iniisip kong baka ito lang ang kaya kong marating sa buhay dahil hindi naman ako nakapag-aral. Napapaluha na lang ako habang nakikita ko noon ang mga kababata ko na habang sila ay nakaunipormeng papasok sa paaralan, ako nama’y nakasuot lang ng pangbukid. Sabi ko sa aking sarili, wala akong magagawa dahil mahirap lang kami. Ang pangarap ko lang noon ay sana makakain kami ng tatlong beses sa isang araw, masaya na ako, at sana hindi kami magkakasakit dahil wala kaming perang panggastos sa ospital.
Ako ay isinilang na pusong binabae. Dahil sa aking pagkatao, kaliwa't kanan ang naririnig ng aking dalawang tenga na sinasabi sa akin ng mga tao na “bakla, bakla, bakla!” Lagi nila kaming pinipintasan na hindi man lang kami napag-aral ng aming nanay. Lingid sa kanila ang katotohanang sinisikap nang husto ng aming nanay na mabuhay kami ng marangal. Dahil sa pangungutya, nabuhayan ako ng loob para mangarap, magporsige at magsikap. Hanggang dumating ang pagkakataong nakatagpo ako ng mabait na amo. Sila ang tumulong sa akin upang makamit ang aking mga pangarap sa buhay. Isa lamang akong kasambahay. Laking pasasalamat ko noong malaman ko ang tungkol sa Alternative Learning System o ALS. Dahil sa aking pagsisikap, nakapagtapos ako ng sekondarya. Madilim pa lang, gising na ako para maglinis, magluto at mamalantsa ng uniporme ng amo ko at pag-uwi ko naman ng hapon galing ng school, naglilinis at nagwawalis ako sa bakuran at nagluluto naman ako sa gabi. Bago ako matulog, nagsusulat at nagrereview ako. Dahil sa aking pagpuporsige at sa awa ng Diyos, ako po ay nakapasa sa A&E test. Iyon ang dahilan kung bakit ako nagkaroon ng diploma sa high school, sa pamamagitan ng ALS.
Dahil sa may pangarap ako, nag-enroll ako ulit sa TESDA at ako ay kumuha ng kursong Beautician. Ito ang pangarap ko sa buhay. Sa maikling kuwento tuluyan akong naging ganap na Beautician. Nagsimula noon, sunod-sunod ang aking natatanggap na mga parangal sa iba't ibang bayan at Baryo dahil sa programa ng punong lungsod ng Santiago City Isabela. Ang pangarap kong lang noon ay makakain ng tatlong beses sa isang araw. Hindi ko inaasahan na magkaroon ako ng Diploma, National Certificate at iba pang natanggap na parangal. Higit sa nakakatulong na ako ngayon sa pamilya ko, nakapagpatayo na rin ako ng bahay at naibalik muli ang kuntador at ilaw sa loob ng aming tahanan. Nagliwanag muli ang aming buhay. Sa halagang siyam na libong piso (P9,000) na kita ko kada buwan, naiangat ko ang aming pamumuhay.
Lubos akong nagpapasalamat sa mga naging amo ko at sa mga taong tumulong sa akin, ganoon na din sa mga taong nagmaliit sa akin. Dahil sa kanila naabot ko ang pangarap ko sa buhay. Sila ang dahilan kung bakit ako nagporsige at pilit kumawala sa hirap na aming dinanas. Higit sa lahat sa ating Poong-Maykapal dahil hindi ako binigyan ng pagsubok na di ko makayanan. Ang tanging hiling ko na lang sa maykapal ay sana bigyan pa ako ng buhay na mahaba-haba upang marami pa akong matutulongan at maibahagi ko rin ang mga biyayang aking tinatanggap sa kasalukuyan.
Kaya para sa mga dumadanas ngayon ng pagsubok sa buhay, huwag mawalan ng pag-asa. Sa halip, magsumikap at magporsige. Huwag kalimutan ang Diyos na siyang may kapangyarihan sa lahat. Alam niya ang iyong pagdurusa at tiyak na tutulungan ka niya.
Lubos na gumagalang, BONITA.