Ako po si Reynalen Matignas, 26 na taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Sibana, Sampalok, Tanay Rizal. Ikinagagalak ko pong ibahagi ang kuwento ng buhay ko at sana ay kapupulutan po ninyo ng aral at inspirasyon.
"Magsisimula na tayo sa ating klase", yan ang tagpo namin kada araw ng mga kaibigan ko. Sila ang estudyante at syempre ako ang guro. Nasa ilalim ng puno at di alintana ang init o lamig ng panahon dahil sa pangarap na idinadaan sa laro. Napakatamis na pangarap na nagpapabagal ng panahon sa paglalaro. Nang isang malagim na pangyayari ang humarang sa pangarap na yon, at nagtagal ito hanggang grade 5. Isang paulit-ulit na trahedya na nagbukas ng mura kong isip sa kaunawaan tungkol sa maraming bagay, nagparumi ng malinis kong unawa at nagdala sa akin ng pagka-rebelde, takot, at pag-aalala sa buhay. Napakasakit na sarili kong kadugo sa buhay... na hindi isa kundi dalawang tao ang nagsamantala sa mura kong katawan! Ito ang naging hadlang at balakid sa pangarap na nakalimutan ko nang pagtuunan ng pansin. Sinira nito ang pangarap na sanay dire-diretso kong inabot.
Sa pagnanais kong makalimutan ang mga naganap at itago ang lungkot na dulot ng nakaraan, kasama ng barkada at mga panandaliang pag-ibig na makakasama, lahat ng mga iyon sinayang ang mga oras na dapat sana ay nagiging hagdan na bubuo sa aking pangarap. Natuto ang mura kong isipan ng maraming bagay na mali at hindi nararapat. Nagbigay ito ng malaking pangangailangan sa katawan kong hayok sa karumihan. Natuto akong maghanap buhay masabayan lang ang mundo na hindi pa dapat kong lakaran. Papel at lapis sana ngunit mikropono at alak. Iyan ang tinahak kong landas mula edad 12 hanggang sa magkarelasyon na hindi ko na namalayan kung ano ang kahihinatnan. Hanggang nabuntis ako! Nagkaanak sa isang lalaki na alam ko naman na niloloko lang ako. Nagkaroon ako ng dalawang anak, isang kaligayahan sa gitna ng sakit ng damdamin at hirap ng buhay.
Dahil galit ako sa magulang ko lumayo ako sa kanila. Hanggang sa... inilagay ako at ginising ng Diyos sa reyalidad... na nandyan pala Siya. Na mangarap ako ulit. Inayos niya lahat! Binigyan niya ko ng makakasama sa buhay na magmamahal sa akin ng tunay, na naniniwala sa kakayahan ko. May mga nakilala rin ako na kumalinga at nagturo sa akin kung paano ko muli matutunan ang mangarap at humakbang.
Kasabay ng pag-ayos ng relasyon ko sa pamilya ko ay nagkaroon ng malaking papel ang Departamento ng Edukasyon o DepEd, na siyang tumulong sa akin na abuting muli ang pangarap ko sa pamamagitan ng kanilang programang ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM o ALS. Ito ang nagbigay ng swak na oras para sa kagaya kong nanay.
Pinagtiyagaan kong pag-aralan ang module.. Hindi ako nakinig sa ibang mga tao na hinahamak ang kakayahan ko, kundi nakinig ako sa sinabi ng Diyos na hindi nya ako iiwan ni pababayaan man. Kasama ng module at gabay ng teacher namin, tiyaga, panalangin, maraming pagsusunog kilay ang aking ginawa. Maraming essay topics ang pinaglaanan ko ng panahon upang pagsanayan lalo na sa tuwing gabi bago ako matulog.
SA wakas, pagkaraan ng maraming sakripisyo, nakita ko ang aking pangalan sa listaan ng mga estudyanteng nakapasa sa ALS ACCREDITATION AND EQUIVALENCY TEST! Salamat sa Diyos at ipinagkaloob nya ang tagumpay na ito sa akin, ang pagtatapos namin ng ALS na ginanap sa Simeon R. Bendana Sr. MES. noong ika-1 ng Hunyo 2015.
Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa pagkatapos noon. Nag-aral ako ng 2 taon sa URS TANAY MAIN CAMPUS at akoy kumuha ng kursong BSE- MAJOR IN ENGLISH. Ngunit sa pagnanais kong matupad ang pangarap ko, ang mga units ko dito ay ginamit ko sa pag aaral sa nais ko talagang kuhaning kurso. Salamat sa Diyos dahil pumasa ako sa mabilis ding pagtatapos at na qualified ako pagkatapos ng mga pagsusuri at mga trainings, interviews, exams at mga araw ng pag-aaral, mabilis kong nakamit ang pinakaaasam-asam kong Diploma. Nakapagtapos ako noong ika-1 ng Mayo 2017 na ginanap sa ALC Highschool San Jose Antipolo City sa kursong BACHELOR OF ARTS IN CHRISTIAN EDUCATION MAJOR IN GUIDANCE AND COUNSELING. Salamat sa Panginoon. Hanggang ngayon ay para paring panaginip ang lahat na nangyari sa akin.
Sa ngayon, ako ay magtuturo sa HIGHLAND PARK CHRISTIAN SCHOOL INC. Salamat sa Diyos! Ipinagpapatuloy ko pa rin ang pag- aaral sa iba nanamang antas ng edukasyon.
IPINAGMAMALAKI KO NA ALS PASSER AKO. Salamat sa Nagsimula ng ganitong klase ng pag-aaral. Nagbibigay ito ng panibagong sigla sa mga taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Isa ito sa mga hagdan ng pangarap na ipinagkaloob ng Diyos na para sa mga taong may pagnanais na makapagtapos at mag-aral kahit kulang sa pinansyal, oras, at nagkakaedad na sa buhay. SALAMAT SA ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM! AT HIGIT SA LAHAT SA DIYOS NA BUHAY NA NAG-AYOS NG WASAK KONG BUHAY AT NAGTALAGA NG MGA ARAW NG TAGUMPAY! Salamat po. Marami pa nawang kagaya ko na matulungan ng ALS. Sa mga kagaya ko,huwag kayong titigil na mangarap. Sanay huwag maging balakid ang inyong mga pagkakamali sa buhay. Magpasakop tayo sa Diyos. Huwag titigil sa pakikinig at pag-aaral dahil iyan ang pinakamahalaga sa buhay, at pangunahing sangkap sa pagiging isang matagumpay na tao. Maging magpakumbaba at nakatanaw sa pinagmulan. At huwag iangat nang sobra ang sarili at manlait ni maliitin ang kapwa.
Lubos din akong nagpapasalamat sa aking asawa na si RUTHER T. MATIGNAS. Tunay siyang propesyunal, degree holder na siya noong kami ay ikinasal at kahit kailan hindi ko narinig na nilait at ibinaba niya ako kundi tinutulungan niya ako sa mga pangarap ko sa buhay. Sa mga inspirasyon ko at isa sa mga kaligayahan ko... ang aking mga anak, JOSIAH AT DAVID MOSES MATIGNAS, mahal na mahal ko kayo. SA MGA MAGULANG KO NA NAGPAPASAYA SA AKIN.. MRS. ALONA at MR. BOY DELA PENA. Salamat mga ka-ALS. SA INYONG MGA NAGSUSUMIKAP PARA MAKAMIT ANG TAGUMPAY, PATULOY LANG KAYO AT HUWAG ISUKO ANG INYONG MGA PANGARAP. ANDIYAN ANG DIYOS KASAMA NIYO.